Hindi na bago ang isyu ng tila pagong na takbo ng internet connection sa ating bansa sa sobrang bagal. Ito nga ang isa sa problemang kinakaharap ng marami lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kung saan ay marami ang bumibili ng kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng mga online app upang hindi na sila lumabas pa ng kanilang tahanan.
Ngunit, dahil nga sa sobrang bagal ng internet sa bansa, ay marami ang nagiging aberya sa bawat online transactions. Katulad na lamang nga ng insidenteng naganap nito lamang ika-25 ng Nobyembre, Miyekules ganap na alas-11 ng umaga sa Barangay Mabolo, Cebu City.
Hindi nga malaman ang gagawin ng 7-anyos na batang babae matapos sunod-sunod na magsidatingan ang mga food delivery rider sa kanilang tahanan dala ang inorder na pagkain sa isang food app.
Ayon nga sa nakasaksi ng pangyayari na si Dann Kayne Suarez, ay hindi magkamayaw ang pagdating ng mga Food Panda riders na umabot ng 30 riders sa dami dala ang chicken fillet na may kasamang french fries, na order ng nasabing bata.
Ngunit, paano nga ba nangyari ang bagay na ito?
Napag-alaman nga na ang bata ay umorder sa food app gamit ang smartphone, ngunit dahil sa sobrang bagal ng internet, inakala ng bata na hindi niya na-order ang nais na pagkain. Kaya naman, inulit-ulit nito ang paggawa ng transaction na umabot nga ng halos 42 piraso ang naorder na chicken fillet na may kasamang french fries.
Dahil nga sa sobrang dami ng order, kung susumahin ang babayaran ng bata ay aabot ito ng kabuuang halaga na P7,938 base sa presyo ng combo na may halaga na P189 kada isa. Ngunit ang dumating lamang sa harap ng bahay nila ay 32 riders lamang, dahil ang ilang order ay na-cancel na.
Napag-alaman rin na ang mga magulang ng bata ay parehong nasa kani-kanilang trabaho at tanging ang lola nito ang kasama sa bahay. Kaya naman, iniwan umano ng mga magulang ang smartphone upang makapag-order ng pagkain online.
Sa nangyari ay halos hindi na malaman ng bata ang gagawin at mangiyak-ngiyak na ito. Kaya naman, naawa rito ang mga kapitbahay, kung saan ay binili na lamang ang ilan sa mga order. Dahil rin sa facebook live ni Dann, ay marami sa kanyang mga kaibigan ang binili rin ang ilang natirang order. Ngunit, dahil sa sobrang dami nito ay hindi naubos kung kaya’t ibinalik na lamang ang iba pang natira.
Ayon naman kay Dann, ay sinisi umano ng bata ang sobrang bagal na internet kung kaya’t nangyari ang hindi inaasahang insidente.
“Ang nahitabo kay nagsige siyag order, nihinay ang connection nila. Meaning mi-error siya. Kay mi-error, mipindot na pud siya og laing order. Sige lang gihapon siya.”
Source: Pixelated Planet
0 Comments